348 OFW mula UAE, nakauwi na ng bansa
Nakauwi na sa bansa ang 348 Overseas Filipino Worker mula United Arab Emirates na nirepatriate ng gobyerno.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, ang mga OFW ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport kahapon sakay ng Philippine Airlines flight 8659.
Ang mga OFW ay isasailalim muna sa quarantine bago payagang makauwi sa kani-kanilang pamilya.
Ayon sa kalihim, halos 2,000 pang OFW at kanilang dependents na nasa UAE ang nakatakdang umuwi sa bansa.
Ngayong Hulyo, ilan pang repatriation flights ang isasagawa sa mga bansa na may umiiral na travel restriction ang Pilipinas sa layuning mapigilan ang pagpasok ng Covid-19 Delta variant.
Una nang pinahintulutan ng pamahalaan ang special commercial flights para sunduin ang mga stranded OFW sa India, Bangladesh, Oman, Pakistan, Sri Lanka at UAE.