35 suspek na naaresto sa operasyon ng MPD sa Baseco at Parola, ipinrisinta ni Mayor Isko Moreno
Tatlumpu’t limang (35) suspek sa kaso ng iligal na droga ang nahuli sa magkakahiwalay na operasyon na ginawa ng Manila Police District (MPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Maynila.
Mismong si Manila Mayor Isko Moreno ang nagprisinta sa mga suspek kung saan 9 sa mga naaresto ay mula sa Baseco.
Matatandaan na nitong nakalipas na linggo ay nagbigay ng direktiba si Mayor Isko sa MPD at PDEA na linisin mula sa iligal na droga at loose firearms partikular ang Baseco sa loob lang ng isang linggo.
Ilan sa mga naarestong suspek ay miyembro ng iba’t ibang grupo gaya ng commando, sputnik, batang city jail at kasama sa drug watchlist ng pulisya.
May isang vlogger rin na kasama sa mga naaresto na ayon kay Mayor Isko ay nakakapagtaka dahil noong Abril ay nahuli na ito matapos makuhanan ng 200 gramo ng hinihinalang shabu at ngayon ay nahuli na naman ito dahil sa iligal na droga sa Binondo.
Kasabay nito, mistula namang nagpasaring ang alkalde at sinabi na lahat ng kanilang naarestong 35 ay buhay.
Binigyang diin ng alkalde na hindi nila tinolerate ang pagbebenta at paggamit ng mga ito ng iligal na droga pero kailangan rin namang irespeto ang karapatang pantao.
Ulat ni Madelyn Moratillo