357 PDLs mula sa Bilibid, CIW, at iba pang penal colonies ng BuCor, lumaya na
Aabot na sa mahigit 700 bilanggo mula sa New Bilibid Prisons, Correctional Institution for Women, at apat na iba pang penal colonies ng Bureau of Corrections (BuCor) ang nakalaya mula noong nakaraang buwan.
Ito ay matapos palayain nitong Miyerkules ang karagdagang 357 persons deprived of liberty (PDLs) mula sa mga nasabing pasilidad.
Kasama sa mga ito ang 102 PDLs mula sa Bilibid at 22 mula sa CIW.
Nakalabas na rin ng kulungan ang 49 na preso mula sa Iwahig Prison and Penal Farm, 20 sa Sablayan Prison and Penal Farm, 136 sa Davao Prison and Penal Farm, at 28 sa Leyte Regional Prison.
Kabuuang 122 sa mga preso ay ginawaran ng parole habang 235 ang nag-expire na ang sentensya.
Pinangunahan nina Justice Secretary Crispin Remulla, Public Attorney’s Office Chief Persida Rueda- Acosta, at BuCor OIC Gregorio Catapang Jr. ang seremonya.
Sinabi ni Remulla na tuluy-tuloy kada buwan ang pagpapalaya sa PDLs na natapos nang pagsilbihan ang sentensya.
Ayon sa kalihim, nasa 318 bilanggo ang inirekomenda na rin nila sa Palasyo na magawaran ng parole at executive clemency.
Posible aniyang sa Disyembre o bago matapos ang taon ay mapalaya ang mga ito sa oras na mapagtibay ng pangulo.
Una nang pinalaya sa penal farms ng BuCor ang 371 PDLs noong Setyembre.
Isa sa mga iniutos ni Remulla para maisaayos at mapadali ang pagpapalaya sa mga inmate na napagsilbihan na ang hatol ay ang pag-digitalized ng carpeta o case record ng mga PDLs.
Aniya dapat ituring bilang kapuwa tao ang mga preso at hindi numero lamang kaya dapat maisaayos ang mga rekord nito sa BuCor.
Nanawagan din ang kalihim sa mga tauhan ng BuCor na ipatupad ang compassionate justice o katarungan na may puso sa mga bilangguan at PDLs gaya ng nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Aminado naman si BuCor OIC Catapang na maraming kailangan na ipatupad na reporma sa loob ng kawanihan.
Isa aniya itong hamon na dapat pagtulungan ng lahat ng mga nasa BuCor para mapagbuti ang trabaho nila.
Moira Encina