35K na 5 to 11 y.o na bata, rehistrado na sa COVID pedia jab sa Pasay
Sinimulan na ang COVID-19 pediatric vaccination para sa mga bata na 5 to 11 years old sa lungsod ng Pasay.
Maaga na nagtungo sa vaccination site sa isang mall sa Pasay ang mga magulang kasama ang mga anak para pabakunahan laban sa COVID.
Makulay ang mga dekorasyon at disenyo at may mga mascot sa vaccination site.
May mga goodie bags at freebies na inihanda rin ang mall at ang LGU para sa mga batang binabakunahan.
Kabuuang 500 elementary school at 983 daycare students mula sa nasabing age group
ang target maturukan sa paglulunsad ng pedia vaccination sa mall.
Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto- Rubiano na bago ang pilot vaccination ay kinausap at pinulong nila ang mga magulang para mapawi ang agam-agam sa bakuna sa mga bata.
Ayon kay Rubiano, mula sa 42,000 na 5 to 11 years old na mga bata sa lungsod, umaabot na sa 35,000 ang nagparehistro para sa COVID vaccination.
Tuluy-tuloy naman aniya ang isinasagawa ng LGU na town hall meetings upang mahimok ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa COVID-19.
Nais ng alkalde na maturukan ang lahat ng mga bata sa Pasay para na rin makabalik ang mga ito sa face-to-face classes.
Tiniyak ng mayor na walang sapilitan at may parental consent ang pediatric vaccination.
Kampante naman ang mga magulang na ligtas at para sa ikabubuti ng kanilang mga anak ang bakuna.
Nais din nila na maturukan sa lalong madaling panahon ang mga bata para makabalik na rin sa face-to-face na pag-aaral.
Bagamat may mga bata na sabik at matapang na nagpabakuna, may ilan din na hindi naiwasang umiyak dahil sa takot.
Siniguro ng LGU na bagamat halos pareho ang proseso nila sa matanda at bata sa COVID vaccination ay mas higit ang pagiingat nila sa bakunahan para sa mga pedia population.
Maliban sa mall ay isasagawa din ang pediatric vaccination sa Pasay City General Hospital, Kalayaan Elementary School, at T. Paez Elementary School sa lungsod sa mga susunod pang araw.
Moira Encina