3K na trabaho inalok sa mga bagong grad sa Pasay City
Maaga pa lang ay dinagsa at mahaba na ang pila ng mga naghahanap ng trabaho sa mega job fair sa Pasay City.
Mahigit 3,000 bakanteng trabaho ang alok sa job fair na inorganisa ng pamahalaang lungsod ng Pasay.
Target nito ang mga bagong graduate o kaya naman ay graduating students sa kolehiyo at senior high school sa Pasay City.
Ayon kay Filipinas Rosario Cea Sampang, OIC ng Pasay City Public Employment Service Office, magandang oportunidad ito sa graduating students para magkaroon agad sila ng trabaho.
Aniya, regular ang pagsasagawa nila ng job fairs sa lungsod upang mapunan din ang mga bakanteng puwesto sa mga establisyimento.
May ordinansa rin ang Pasay LGU na dapat prayoridad ng mga negosyo sa lungsod na mga residente ang kunin na mga empleyado.
Nasa 50 lokal na kumpanya ang lumahok sa mega job fair.
Karamihan sa employers ay nasa retail service, customer service, food and beverage, business process outsourcing, information technology at ang iba ay mga ahensya ng pamahalaan.
Kabilang sa government agencies na lumahok sa programa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na naghahanap ng 70 registered nurses.
Ayon kay Major Tresian Batag ng AFP Nurse Corp, may average na P50,000 na sahod kada buwan ang maaaring tanggapin ng military nurse at may mga eksklusibong benepisyo mula sa AFP pero dapat handa ang mga ito na ma-deploy sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Aminado si Batag na kumaunti ang bilang ng mga nag-a-apply na nurse sa kanila dahil na rin sa mas malaki ang alok sa ibang bansa.
Umaasa naman ang Pasay City LGU na maraming aplikante ang makukuha at magkakaroon ng disenteng trabaho at ikinabubuhay lalo na’t marami ang job openings.
Moira Encina