3rd regular session ng 18th Congress binuksan na
Nagbukas na ang third regular session ng 18th Congress kaninang alas-10:00 ng umaga.
Sa Senado, agad inaprubahan ang Senate Resolution 782 at 783 kung saan ipinapaalam kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa House of Representatives na handa na ulit magtrabaho ang Senado.
Inaprubahan rin ang Concurrent Resolution No. 18 na nag-aapruba para sa pagdaraos ng joint session para saksihan ang huli at ika-anim na State of the Nation Address ng Pangulo.
Sa ulat ni Eaglenews reporter, Meanne Corvera, 13 Senador ang physically present sa pagbubukas ng sesyon na kinabibilangan nina Senate President Vicente Sotto III, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senators Panfilo Lacson, Joel Villanueva, Risa Hontiveros, Sherwin Gatchalian, Pia Cayetano, Nancy Binay, Francis Tolentino, Ronald dela Rosa, Bong Go, at Ramon Revilla Jr.
Virtually present naman sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senators Francis Pangilinan, Imee Marcos, Sonny Angara, Cynthia Villar, Grace Poe, Richard Gordon, Manny Pacquiao at Aquilino “Koko” Pimentel III.
Gaya sa mga nakaraang SONA, hindi pa rin nakadalo si Senador Leila de Lima na kasalukuyang nakakulong dahil sa mga kinakaharap na kaso.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni SP Sotto na magpapasa sila ng mgabatas na pagtulong sa mga pangunahing industriya at sektor na magpapasiglang muli sa ekonomiya ng bansa sa harap ng epekto ng Pandemya ng Covid-19 kabilang ang mga nawalan ng hanapbuhay.
Maliban sa Covid-19, aasikasuhin ng Senado ang mga panukalang paghahanda sa mga kalamidad ngayong matindi ang problem ng bansa sa naganap na mga lindol, bagyo at pagputok ng Bulkang Taal na marami ang mga naapektuhan.
Mahigpit na seguridad ang ipinatutupad sa Senado at tanging mga Senador lamang at mga staff ang pinapayagan lamang pumasok.
Kailangan pa ring sumailalim sa Antigen test kahit pa fully vaccinated na bago makapasok sa gusali ng Senado.
May mga nakabantay na tauhan ng PNP sa labas din ng Senate building at mahigpit din ang pagababantay sa Diokno Boulevard.
Samantala, nagbukas na rin ang sesyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Batasan Hills sa Quezon city na pinangunahan ni House Speaker Lord Allan Velasco.
Sa ulat naman ni Eaglenews reporter Eden Santos, nasa 130 mga Kongresista ang physically present sa plenaryo at ang iba ay naka-virtual connection na lamang dahil pa rin sa seguridad laban sa Covid-19.
Maliban sa ipiprisintang RT-PCR negative result, isasailalim pa rin ang mga bisita at VIP’s na dadalo sa SONA sa Antigen test.