4.7 bilyong pisong bypass road sa La Union, mahigit 80% nang tapos -DPWH
80.12% na ng P4.7-billion La Union bypass road project ang natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang bypass road project na ito ay magsisilbing alternatibong ruta sa Manila North Road para sa mga biyahero mula Bauang, San Fernando City, at San Juan, La Union.
Inaasahang makatutulong ito para mapaluwag ang daloy ng trapiko sa Manila North Road section sa pagitan ng Barangay Payocpoc, Bauang at Barangay Taboc, San Juan.
Ngayong taon, inaasahang mabubuksan na sa mga motorista ang 2.64 kilometro para sa Bauang Section, gayundin ang pagtatayo ng Bauang Bypass Bridge habang magbubukas din ang panibagong 1.87 kilometers na daan para sa San Fernando City-San Juan Section.
Sa oras na makumpleto ang proyekto, inaasahang ang travel time sa pagitan ng mga bayan ng Bauang at San Juan ay magiging kalahating oras nalang mula sa dating 1 oras.
Samantala, isang kakaibang multi-purpose building project na may iconic architectural design ang itinatayo ng DPWH sa La Union na magsisilbing panibagong landmark sa San Fernando City.
Personal na ininspeksyon ni DPWH Secretary Roger Mercado kasama si DPWH Region 1 Director Ronnel Tan ang ginagawang konstruksyon ng ₱280 Million La Union Convention Center Project.
Ayon kay Tan, ang tatlong palapag na multi-purpose building na nasa isang burol na may kakaibang disenyo ay sumasalamin sa reputasyon ng La Union bilang surfing destination sa hilagang bahagi ng bansa.
Kaya aniya nitong makapag-accommodate ng 1,500 katao.
Madz Moratillo