4.9 na milyong pisong halaga ng marijuana bricks, nakumpiska ng mga awtoridad sa Quezon, Isabela
Arestado ang dalawang drug suspek sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng special operation unit region 2 ng Phil. National Police Drug Enforcement Group, sa Prok 5 Brgy. Barucbuc, Quezon, Isabela.
Pinangunahan ito nina Pol. Lt. Kharla Mae Clemente, Isabela provincial police office (IPPO) provincial intelligence unit na pinamumunuan ni Pol. Major Euhenio Mallilin, Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) Isabela provincial office katuwang ang Quezon police station sa pangunguna ni Pol. Maj. Roberto Valiente, at San Miguel police station, sa pangunguna ni Pol. Maj. Harvey Paharillo, sa ilalim ng superbisyon ni Pol. Vol. James Cipriano, IPPO provincial director sa Quezon, Isabela.
Sinabi ni PNP regional director Brig. Gen. Crisaldo Nieves, na nakuha sa dalawang drug suspek ang 41 kilo ng marijuana bricks na may dangerous drugs board value na 4.9 million pesos, at 2 sachet ng pinaghihinalaang shabu na may halagang 34 thousand pesos.
Nakilala ang mga naarestong drug suspek na sina Marcelo Tudlong Thomas, 29 anyos, may asawa at residente ng purok 1, Bulanao, Tabuk city, Kalinga; at Keruben Winnie Banosan, 32 anyos, may asawa at residente ng Brgy. San Juan, Quezon, Isabela.
Ayon kay Marcelo, ikatlong transaksyon na nila iyon bago sila naaresto.
Isang puting Nissan Urvan na may plate number NAB 4566, ang pinaglagyan ng marijuana bricks, na itinago sa mga upuan nito.
Ang mga suspek ay nasa kustodiya na ng Quezon police station, habang ang mga nakumpiskang droga ay dinala naman sa PDEA Isabela provincial office para sa proper documentation at disposition.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act o R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ulat ni Ryan Flores