4 BOC Personnel, inirekomendang kasuhan dahil sa pagkakapuslit sa bansa ng mga garbage materials mula Canada
Pinasasampahan ng kaso sa Korte ng Department of Justice (DOJ) ang apat na tauhan ng Bureau of Customs dahil sa pagpasok sa bansa ng mga container vans na naglalaman ng hazardous waste materials mula sa Canada noong 2013 at 2014.
Sa resolusyon ng DOJ Panel of Prosecutors, nakitaan ng probable cause para kasuhan sa hukuman ang mga BOC examiners at appraisers na sina Benjamin Perez, Eufracio Ednaco, Matilda Bacongan, at Jose Saromo.
Ang apat ay inirekomenda ng DOJ na kasuhan ng paglabag sa RA 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990.
Ibinasura naman ng panel ang reklamong paglabag sa Anti-Graft law laban kina Perez, Ednaco, Bacongan, at Saromo.
Ang kaso ay nag-ugat sa pagkakapuslit sa bansa ng 103 container vans galing sa Chronic Inc. mula sa Canada sa pagitan ng May 2013 hanggang December 2014.
Idineklara bilang scrap materials ang laman ng mga container vans pero kalaunan ay nadiskubreng solid waste o mixed plastic materials.
Ayon sa resolusyon, alam ng apat na Customs personnel na hazardous materials at hindi plastic scrap materials ang shipment na papasok sa bansa lalo na’t sinabi ng mga ito na kanilang pisikal na ininspeksyon ang mga naturang importasyon.
Sinabi pa ng panel na responsable ang apat sa pagkakapasok sa bansa ng mga hazardous waste nang kanilang ipasa sa physical at document examination ang mga kinukwestyong shipment.
Samantala, inabswelto naman ng DOJ sa kaso ang mga opisyal at tauhan ng DENR na sina dating Environmental Management Bureau Head Juan Miguel Cuna, at EMB personnel Irvin Cadavona, Geri Geronimo Sañez, at Renato Cruz.
Moira Encina