4 na Barangay sa Bauang, La Union, nakumpirmang may presensiya ng ASF
Kinumpirma ng Municipal Government ng Bauang, La Union na may presensya ng African Swine Fever (ASF) sa apat na Barangay sa kanilang lugar.
Batay sa ipinalabas na advisory, kabilang sa mga Barangay na ito ay ang Bawanta, Palintucang, Pottot at Cabisilan.
Sinimulan na rin ang mandatory culling at depopulation ng mga alagang baboy na nasa loob ng 500-meter radius.
Ipinagbawal rin ang paglabas sa mga alagang baboy sa loob ng 2 linggo o 14 araw sa labas ng 500-meter radius.
Bawal din ang pagpasok ng pork products mula sa labas ng munisipalidad.
Mahigpit ding babantayan ng mga Kapitan ng Barangay ang galaw ng mga hog raisers sa munisipalidad kung may nagaganap na iligal na katayan at bentahan ng mga karne sa labas ng municipal market at mga talipapa.
Hinimok din ang mga residente na makipagkaisa sa pulisya, Barangay officials at Municipal Agriculture Office upang mapigilan ang pagkalat ng ASF at maprotektahan ang local swine industry.