4 na Chinese fugitive kasamang naaresto sa raid sa POGO hub sa Las Piñas City
Sa gitna ng pag-proseso sa may 1,200 foreign nationals na nailigtas sa isinagawang operasyon sa POGO hub sa Las Piñas City noong nakaraang linggo, 4 na Chinese nationals ang natuklasan na mga pugante pala sa China.
Ayon kay PNP Spokesperson PCapt. Michelle Sabino, nakatakdang i-turnover ngayong araw sa Chinese Embassy at Bureau of Immigration ang 4 na pugante para sa deportasyon.
Patuloy naman inihahanda ng PNP ang mga kasong isasampa laban sa mga operator at maintainer ng nasabing POGO hub.
Sa isang liham, muli namang umapela ang kinatawan ng Xinchuan Network Technologies sa PNP para sa makataong pagtrato sa mga foreign nationals.
Ayon kay Atty. Ananias Vargas, may mga impormasyon umano sila na 3 sa mga foreign national na sinasabing nagtangkang tumakas sa compound ay nagtamo ng serious injuries at ang isa ay sinasabing may tama ng bala
Kino-kondena din nila ang hindi umano pagpapasok ng mga pulis sa medical
team at ambulansya para dalhin sa pagamutan ang mga sugatan.
Sana raw ay payagan na maipagamot ang mga nasugatan upang agad na malapatan ng lunas at hindi humantong sa seryosong kondisyon.
Samanatala, patuloy din ang pagbisita ng mga kinatawan ng iba’t ibang embahada para alamin ang kalagayan ng kanilang mga kababayan na kasamang nailigtas sa operasyon.
Mar Gabriel