42 Chinese at isang Malaysian National na biktima ng kidnapping, nailigtas na ng mga awtoridad
Nailigtas na ng mga awtoridad ang apatnapu’t dalawang Chinese nationals na biktima ng kidnapping.
Ito ang kinumpirma ni DILG Secretary Benhur Abalos sa pagharap nito sa makapangyarihang
Commission on Appointments.
Ayon kay Abalos, nailigtas na rin sa operasyon ang isang Malaysian national na biktima rin ng kidnapping.
Sinabi ni Abalos na iniimbestigahan na nila kung may mga taga POGO na sangkot sa serye ng kidnapping.
Hindi aniya dapat mabahala ang publiko dahil kumikilos naman ang mga awtoridad para tugisin ang mga nasa likod ng mga karumal-dumal na krimen at tiniyak na mananagot sila sa batas.
Apila nya sa publiko, i-report sa mga awtoridad kung may impormasyon hinggil dito.
Sa isyu ng war on drugs, sinabi ng kalihim na naglatag na sila ng bagong mga sistema hinggil dito bilang pagpapatuloy sa mga programa ng nagdaang administrasyon.
Pero tiniyak niya na lahat ng kanilang gagawing hakbang ay naayon sa batas.
Marami raw kasi sa mga nakasampang kaso hinggil dito ang naibasura dahil hindi nasunod ang mga tamang patakaran lalo na sa paghawak ng mga testigo.
Pagkatapos ng mga kuwestyon, ay inaprubahan na ng CA ang Ad interim appointment ni Abalos na umani pa ng papuri sa mga mambabatas.
Meanne Corvera