$45.6 bilyong US pandemic aid, posibleng napasakamay ng scammers
Sinabi ng isang US government watchdog, na maaaring umabot sa $45.6 bilyong benepisyo ang naipamahagi sa mga pekeng claimant ng jobless benefits sa panahon ng pandemya, mas mataas kaysa unang tinaya.
Ayon sa Office of the Inspector General (OIG) para sa US Labor Department, kinasuhan nito ng panloloko ang higit sa 1,000 mga indibidwal dahil sa pag-claim ng unemployment insurance (UI) na hindi naman dapat.
Sinabi ni Inspector General Larry D. Turner, “This milestone of 1,000 individuals being charged with crimes involving UI fraud and the identification of $45.6 billion in potentially fraudulent UI payments highlights the magnitude of this problem.”
Sa huling report ng OIG, nakasaad na maaaring nakuha ng mga scammer ang pera sa pamamagitan ng pagpa-file ng unemployment benefits sa iba’t ibang estado gamit ang kahina-hinalang emails, o kaya ay gamit ang impormasyon ng mga taong patay na o ng federal prisoners.
Sabi pa ni Turner, “Hundreds of billions in pandemic funds attracted fraudsters seeking to exploit the UI program — resulting in historic levels of fraud and other improper payments.”
Ang scam ay tumagal mula March 2020 hanggang April 2022, ngunit sa kabila ng paulit-ulit na babala ng departamento sa Employment and Training Administration (ETA) tungkol sa isyu, ay walang ginawang mabisang aksiyon ang ETA para ipatupad ang mga rekomendasyon.
Ang bagong kabuuan ay halos $30 bilyong higit kaysa huling tinaya noong Hunyo.
Matatandaan na sa simula ng pandemya, ang Kongreso ay naglabas ng malaking financial aid programs na magbibigay ng pinalawak na mga benepisyo para sa milyun-milyong mga manggagawa na naalis sa trabaho.
Kinilala ng mga opisyal noong panahong iyon na ang ilan sa mga programa ay maaaring may mga kapintasan, ngunit binigyang-diin ang pangangailangang mabilis na mailabas ang ayuda.
Sa isang liham naman sa OIG na kasama sa report, sinabi ng ETA na ito ay “nakatuon sa pagpapatuloy ng mga pagsisikap nito” upang tukuyin at labanan ang “patuloy na pagbabago at mga bagong uri ng sopistikadong pandaraya.”
© Agence France-Presse