46 pang OFW mula Sudan, nakauwi na sa bansa
Karagdagang 46 pang Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nakauwi sa bansa mula sa Sudan.
Sa panayam ng programang Kasangga Mo ang Langit, sinabi ni Undersecretary Hans Cacdac ng Department of Migrant Workers (DMW) na sinalubong kagabi ng mga kinatawan ng ahensya kasama ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga OFWs.
Sila ang huling batch sa grupo ng 340 workers na inilikas sa pamamagitan ng Sudan-Egypt Border.
Dinala muna ang mga OFWs sa Cairo bago iniuwi sa bansa sa magkakahiwalay na byahe ng eroplano
“Nakauwi na silang lahat, tantyahin ko halos naka-5 batch tayo ng byaheng eroplano. Kagabi nandun kami ni Usec. Vega at OWWA, sumalubong kami sa huling batch, 46 sila na dumating,” pahayag pa ni Usec. Cacdac.
Samantala, may 7-man team naman na binubuo ng DMW, DFA at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang napahintulutang pumasok sa Port of Sudan para asikasuhin naman ang grupo ng mga Filipino na lumilikas sa Sudan sa pamamagitan ng nasabing pantalan.
May 60 Pinoy ang naisakay sa military vessel ng Saudi Arabia at inilikas patungong Jeddah, Saudi Arabia.
Nagpasalamat din si Cacdac sa Saudi government sa tulong na ibinigay sa mga Pinoy.
“May team na tutungo from DMW, DFA at OWWA, papasok sila ng Sudanese territory sa Port of Sudan, sa bahagi na yun ay puwede pumasok, nasa silangang bahagi na iyon patungong Port of Sudan,” sinabi pa ni Cacdac.
Nagkaloob naman na ng financial support ang DMW sa mga apektadong OFWs habang nandoon pa sila sa Egypt at pagdating dito sa Pilipinas ay may karagdagang ayuda ang pamahalaan.
Sinabi ni Cacdac na namahagi ang DMW ng tig-P50,000 sa mga OFW na tatapatan din ng financial assistance mula sa OWWA.
“Ipinag-utos ni Sec.Toots [Ople} na duon pa lang nagdistribute na ng financial assistance, pagdating dito may P50,000 na ipinamahagi mula sa DMW at counterpart from OWWA,” paliwanag pa ni Cacdac.
Weng dela Fuente