47 katao nalibing sa nangyaring landslide sa southwest China
Apatnapu’t pitong katao ang nalibing sa isang landslide na nangyari sa southwestern Yunnan province sa China.
Nangyari ito sa Zhenxiong County, batay sa report ng state news agency na Xinhua, banggit ang mga lokal na awtoridad.
Sinabi ng state broadcaster na CCTV, humigit-kumulang sa 18 households ang nalibing sa landslide, at mahigit sa 200 katao ang kinailangang “agad na ilikas” mula sa lugar.
Naglunsad ang mga awtoridad ng isang emergency response na kinasasangkutan ng mahigit sa 200 rescue workers maging ng dose-dosenang fire engines at iba pang equipment.
Patuloy namang sinisikap ng mga kinauukulan na ma-establish kung ano ang nangyari.
Ang landslides ay karaniwan na sa Yunnan, isang liblib na rehiyon ng China, na kinaroroonan ng matatarik na mga bundok sa Himalayan plateau.
Ang China ay dumanas na ng sunod-sunod na natural disasters nitong nagdaang mga buwan, kasunod ng matitinding weather events.
Noong Agosto, mahigit sa 20 katao ang namatay matapos magkaroon ng isang landslide bunsod ng malakas na mga pag-ulan sa northern city ng Xi’an.
At noong Hunyo, isang landslide sa southwestern Sichuan province ang ikinasawi ng 19 katao.