4,800 barangays sa buong bansa malinis na sa illegal na droga – PDEA
Umaabot na sa 4,800 barangay ang nalilinis ng gobyerno mula sa iligal na droga sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Director General Isidro Lapeña, idineklara ng oversight committee on barangay drug-clearing program na drug free ang mga barangay na ito matapos makumpirmang wala ng drug pusher, user at anumang klase ng transkasiyon ng iligal na droga.
Target aniya ng mga awtoridad na linisin mula sa droga ang nasa 5,200 barangay sa bansa bago matapos ang 2017.
Sa kasalukuyan aniya, nasa 20,000 barangay pa sa bansa ang apektado ng droga.
Nangunguna na ang Metro Manila sa rehiyon na may pinakamaraming barangay na apektado ng bawal na gamot habang Cordillera Region naman ang rehiyon na pinakahindi apektado ng droga.