5 million doses ng Pfizer vaccine, inaasahang darating sa bansa sa susunod na buwan
Dumating na sa bansa kagabi ang kabuuang 365,040 doses ng Pfizer vaccine sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 lulan ng Air Hong Kong Flight LD 456.
Ito na ang ikaapat na shipment ng nasabing brand ng bakuna na binili ng gobyerno.
Sinabi ni National Task Force Against Covid-19 chief implementer and vaccine czar Carlito Galvez, Jr., na ang 51,480 doses ay ipinamahagi sa Cebu habang ang 51,480 doses ay dadalhin sa Davao region ngayong araw.
Habang ang nalalabing doses ay ipapamahagi sa National Capital Region partikular sa mga lugar na hindi pa nabibigyan ng Pfizer vaccine.
Samantala, sinabi pa ni Galvez na inaasahan na sa Setyembre ay darating sa bansa ang nasa 5 milyong doses ng bakuna.
Pinasalamatan ni Galvez ang Amerika dahil sa pagdedeliver ng American-made na mga bakuna na nasa higit 65 million na ang dumating sa banda.
Maliban dito, nagpasalamat din si Galvez sa USS dahil sa 6.2 milyong doses na donasyon ng iba’t-ibang brand ng bakuna kabilang na ang 3.2 milyong doses ng Johnson & Johnson single-shot Covid-19 vaccine na naibakuna na sa mga senior citizen at people with comorbidities.
Hanggang nito August 18, 2021, sinabi ni Galvez na nasa kabuuang 42,940,390 Covid-19 vaccine doses na iba’t-ibang brand na ang dumating sa bansa.