5 Persons of interest sa likod ng pamemeke ng pirma ni PBBM, pinadalhan ng subpoena ng PNP- CIDG
Iniimbestigahan na ng PNP criminal investigation and detection group ang limang persons of interest na posibleng may kinalaman sa pememeke ng lagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa umano’y appointment letter ni Atty. Abraham Espejo sa Bureau of Immigration.
Ayon kay PNP-CIDG Director Police Brigadier General Ronald Lee, pinadalhan na nila ng subpoena ang mga ito na inaasahang magbibigay linaw sa kaso.
Seryoso aniya ang CIDG na maresolba ito kaya patuloy din ang panawagan nila sa mga taong may impormasyon sa insidente na makipagtulungan sa kanila.
Tumanggi naman si PNP Chief Police General Rodolfo Azurin na maglabas ng impormasyon sa persons of interest.
Ipinauubaya na raw niya sa CIDG ang pag-iimbestiga sa kaso na inaasahan niyang mareresolba sa lalong madaling panahon.
Ang mga mapatutunayan na may kinalaman sa kaso ay mahaharap sa kasong paglabag sa Article 161 ng Revised Penal Code o ang counterfeiting the great seal of the Government of the Philippines at forging the signature or stamp of the Chief Executive.
Mar Gabriel