5 pulis, patay sa pag-atake ng NPA sa Camarines Norte
Limang pulis at dalawa pa ang sugatan sa pakikipagsagupa sa mga miyembro ng New People’s Army sa Barangay Dumagmang, Labo, Camarines Norte.
Ayon sa PNP, ang mga pulis ay bahagi ng 7-member team mula sa 2nd Provincial Mobile force company na naatasang magbantay sa bisinidad ng Road Construction project sa bayan ng Labo.
Kinilala ang mga namatay na pulis na sina Corporal Roger estoy, Pat. Alex Antioquia, Pat. Benny Ric Bacurin, Pat. Joey Cuarteros at Pat, Jeremy Alcantara.
Ang mga sugatan naman ay sina Pat. Aldrin Aguito at Police Corporal Eric Hermoso.
Nabatid na ang police team ay itinalaga sa nasabing lugar matapos magsumbong ang Construction company sa mga otoridad na nakatatanggap sila ng demand letter mula sa NPA na pinagbabayad umano sila ng hanggang 5% ng ng halaga ng Labo-Tagkawayan road project.
Batay sa demand letter, bilang kapalit umano ng pagbabayad nila ay hindi guguluhin o susunugin ng mga rebelde ang mga kagamitan ng kumpanya.
Mariin namang kinondena ni PNP officer-in-charge Guillermo Eleazar ang pag-atake at nagpaabot ng pakikiramay sa mga naulila ng mga namatay na pulis.
Inatasan rin ni Eleazar si Police Regional Office 5 Director for Bicol Region, Police Brigadier General Bartolome Bustamante na tiyakin na mabibigyan ng nararapat na pagkilala ang mga pulis ganundin ang benepisyo para sa mga pamilya nito.
Nagpadala na rin ng reinforcement ang PNP upang tugisin ang mga tumakas na NPA members sa bulubunduking lugar.