50 matatanda, may sakit at disabled PDLs mula sa Maximum ng Bilibid, inilipat sa Minimum Security Camp
Mula sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prisons (NBP) ay inilipat sa Minimum Security Camp ng kulungan ang 50 inmates na matatanda, may sakit at may kapansanan.
Sinabi ni BuCor Acting Director General Gregorio Catapang Jr. na bahagi ito ng kanilang hakbangin para ma-decongest ang MaxSeCom.
Inisyal pa lang aniya ang 50 matatandang preso na isinama sa transfer at ito ay masusundan pa.
Ang ilan sa persons deprived of liberty (PDLs) na inilipat ay hindi na makalakad at nangangailangan na ng wheelchair, saklay o kaya ay taga-akay bunsod ng katandaan, karamdaman, at kapansanan.
Ayon kay Catapang, irirekomenda ang nasabing PDLs na magawaran ng executive clemency.
Pagkahatid naman sa Minimum Security Camp ay isinailalim muna ang mga bilanggo sa medical checkup.
Ilalagay din ang nasabing elderly PDLs sa isolation ng ilang araw bago ihalo sa ibang prison population sa MinSeCom.
Sinabi ni BuCor Spokesperson Sonny Del Rosario na may hiwalay rin talaga na dormitoryo ang MinSeCom para sa matatanda at may sakit.
Umaabot aniya sa 1,400 ang bilang ng PDLs sa Minimum Security Camp.
Nagpasalamat naman ang PDLs sa paglipat sa kanila sa MinSeCom kung saan inaasahan na mas maaliwalas at mas maayos ang sitwasyon kumpara sa Maximum.
Nanawagan din ang mga ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sila ay palayain na sa pamamagitan ng executive clemency.
Moira Encina