50 percent ng flights sa NAIA dapat ilipat na sa Clark International Airport ayon sa grupo ng minorya sa Kamara
Kailangang ikunsidera na ng gobyerno ang Clark International Airport o CIA bilang alternate gateway para mabawasan ang congestion sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Ayon kay House Minority Leader Marcelino Libanan dapat pagsapit ng 2025 ay mailipat na sa CIA ang 50-percent ng mga flight sa NAIA kasunod ng inaasahang pag-recover ng global air travel mula sa pandemya ng COVID-19.
Sinabi ni Libanan layunin din nito na hindi mape-perwisyo ang maraming mga pasahero sa sandaling magkaroon na naman ng technical glitch sa NAIA gaya ng nangyari noong New Year’s day.
Inihayag ni Libanan may kakayahan ang Clark International Airport na makapag-operate ng mas maraming flights at malapit sa Metro Manila gamit ang mga expressway.
Binanggit ni Libanan na mayroong 10-billion pesos ang inilaan ng Bases Conversion and Development Authority para ganap na ma-develop ang Clark International Airport bilang alternate gateway, mabawasan ang congestion sa NAIA at ma-accommodate ang lumalaking passenger traffic sa bansa.
Naniniwala rin si Libanan na hindi sagot ang privatization para maresolba ang congestion sa NAIA dahil maliit na ang lupa para sa expansion ng pangunahing pambansang paliparan.
Vic Somintac