500 inmates mula sa Bilibid at iba pang kulungan ng BuCor, target mapalaya sa Enero 23
Nakatakdang palayain sa susunod na linggo ang panibagong batch ng mga bilanggo mula sa New Bilibid Prisons (NBP) at iba pang piitan ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Mico Clavano, sa Enero 23, Lunes ay nasa 500 persons deprived of liberty (PDLs) ang posibleng makalaya.
Ito na aniya ang pinakamaraming bilang ng PDLs na makakalaya mula nang simulan sa ilalim ng Gobyernong Marcos noong Setyembre ng nakaraang taon ang monthly releases ng inmates sa BuCor facilities.
Dahil dito, sinabi ni Clavano na aabot na sa halos 4,000 preso ang napalabas ng kulungan mula nang magsimula ang Marcos Administration noong Hunyo 30, 2022 hanggang Disyembre 2022.
Kumpiyansa ang opisyal na malapit nang maaabot ng DOJ ang naunang target nito na 5,000 PDLs pagdating ng June 30, 2023.
Inihayag pa ni Clavano na dahil sa may suporta na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalaya sa inmates na napagsilbihan na ang parusa ay maaari na rin nilang itaas ang target na bilang ng PDLs na puwedeng mapalaya.
Moira Encina