530 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P3 bilyon na nakahalo sa chicharon at dog feeds, nasabat ng mga otoridad sa Mexico, Pampanga
Umaabot sa 530 kilo ng hinihinalang shabu na nakahalo sa mga chicharon at pagkain ng aso ang nasabat ng mga National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang ahensya ng gobyerno sa Purok 5, San Jose Malino,Mexico, Pampanga noong Miyerkules.
Galing sa Thailand na dumating sa Subic Freeport ang nakumpiskang 59 kahon na naglalaman ng tea bags kung saan nakasilid ang iligal na droga.
May mga laman din ito na mga plastic bag ng chicharon o kaya ay dried fish para itago ang amoy ng droga kasama ang mga case ng soft drinks at mga sako ng dog feeds na may markings ng Thai language.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na na-infiltrate ng NBI illegal drugs task force ang sindikato ng iligal na droga na nagresulta sa pagkakadiskubre ng droga.
Tinatayang nagkakahalaga aniya ng P3.6 bilyon ang mga nasabing shabu.
Ayon sa kalihim, may listahan na ang NBI ng mga aarestuhing indibiduwal kaugnay sa nasabat na droga kabilang na ang mga dayuhan.
Aniya, napaka-sophisticated na ang pag-smuggle ng mga ipinagbabawal na gamot sa bansa kaya dapat i-retrain ang K9 dogs at regular ang rotation ng mga agents na nagbabantay sa mga pantalan sa bansa.
Hindi pa masabi ng kalihim kung may mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na dawit kaya nakapuslit sa bansa ang mga iligal na droga.
Nakatuwang ng NBI sa operasyon ang Philippine Drug Enforcement Agency, BOC, at National Intelligence Coordinating Agency.
Magsasagawa rin aniya ang NBI kasama ang Anti- Money Laundering Council ng financial investigation sa mga sangkot sa drug shipment.
Moira Encina