6.5 milyong doses ng mga bakuna kontra Covid-19, ipamamahagi sa NCR Plus para sa mass vaccination sa panahon ng ECQ
Nasa kabuuang 4 milyong doses ng mga bakuna kontra Covid-19 ang ipamamahagi sa mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region para sa target na mass vaccination sa panahon ng pagsasailalim sa rehiyon sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ito ang naging tugon ni National Task Force (NTF) Against Covid-19 deputy chief Secretary Vince Dizon sa naging kahilingan ng Metro Manila mayors na karagdagang suplay ng mga bakuna upang magtuluy-tuloy ang vaccination process sa kani-kanilang mga lunsod.
Maliban sa NCR, mabibigyan din ng nasa 2.5 milyong doses ng bakuna ang mga lalawigan ng Rizal, Laguna Cavite, at Bulacan.
Sinabi ni Dizon na nag-commit ang Metro Mayors na ubusin ang 4 milyong doses ng bakuna habang naka-ECQ ang NCR.
Sa kasalukuyan, nasa 30% pa lamang ng mahigit 8 milyong populasyon ng NCR ang nakakumpleto ng bakuna habang 95% na ng A1 o Medical frontliners ang fully vaccinated na.
Maliban sa karagdagang mga bakuna, sinabi pa ni Dizon na daragdagan din ang mga vaccination site sa Metro Manila upang maging accessible sa mga residente ang pagbabakuna.