6 BOC Officials sa Port of Subic, inalis sa puwesto
Sinibak sa puwesto ang anim na opisyal Bureau of Customs (BOC) sa Port of Subic.
Kabilang sa 6 na opisyal na ito sina Port of Subic District Collector Maritess Martin, Maita Acevedo, Deputy Collector for Assessment; Giovanni Ferdinand Leynes, Deputy Collector for Operations; Belinda Lim, hepe ng Assessment Division; Vincent Mark Malasmas, Commander of Enforcement Security Service at Justice Roman Silvoza Geli, Supervisor of Customs Intelligence and Investigation Service .
Ayon kay Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, ang 6 na ito ay pansamantalang ililipat sa ilalim ng Office of the Commissioner.
Ito ay habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa sinasabing smuggling ng asukal.
Tumanggi na rin itong magbigay ng iba pang komento.
Ayon sa BOC, si Atty. Willy Sarmiento, hepe ng Law Division ng Port of Subic ang magsisilbi munang Officer- In- Charge.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na may mga ulong gugulong sa BOC kung mapatutunayan na nakikipagsabwatan ang mga ito sa mga smuggler gamit ang recycled sugar import permits.
May kaugnayan ito sa naharang na barko ng BOC nitong nakaraang linggo na naglalaman ng 140,000 sako ng asukal o katumbas ng mahigit 7,000 metriko tonelada ng asukal na mula umano sa Thailand.
Sa inisyal na imbestigasyon ng BOC-Customs Intelligence and Investigation Service, lumilitaw na recycled umano ang permit na ginamit sa importasyon ng mga nasabing asukal.
Ang consignee ng mga nasabat na asukal na nagkakahalaga ng P45 million ay Oro-Agritrade Inc.
Madelyn Villar – Moratillo