6 pang Barangay sa Maynila, isasailalim sa 4-days lockdown
May anim pang barangay sa Maynila ang isasailalim sa apat na araw na lockdown matapos makapagtala ng mataas na kaso ng Covid-19.
Kabilang sa mga ito ang Barangay 185 sa Tondo kung saan may naitalang 11 active Covid cases, Brgy. 374 sa Sta. Cruz na may 10 active cases, Brgy. 521 sa Sampaloc na may 12 active cases, Brgy. 628 sa Sta Mesa na may 10 active cases, Brgy 675 sa Paco na may 22 active cases, at Brgy. 847 sa Pandacan na may 10 active cases.
Ang mga Barangay sa Maynila na may naitatalang 10 o higit pang active cases ng Covid-19 ay isinasailalim sa lockdown.
Ang lockdown ay magsisimula sa ganap na 12:01 ng hatinggabi ng Marso 17, Miyerkules at matatapos sa ganap na 11:59 ng gabi ng Marso 20, Sabado.
Sa nilagdaang Executive Order ni Manila Mayor Isko Moreno, ang mga nasabing Barangay ay idinedeklara bilang critical zone at paiiralin sa Enhanced Community Quarantine Guidelines.
Sa panahon ng lockdown, bawal lumabas ng bahay ang mga residente maliban sa mga nasa frontline service.
Layon ng lockdown na makapagsagawa ng massive testing at contact tracing upang mapigilan pa ang pagkalat ng Covid-19.
Nitong nakaraang linggo matatandaang may tatlong Barangay at 2 hotel ang isinailalim rin sa lockdown.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno matapos ang kanilang ginawang contact tracing at testing ay may tatlong residente ang natukoy na positibo sa Covid-19.
Ito aniya ang dahilan kaya mahalaga ang ganitong lockdown para ang mga Asymptomatic na positibo sa virus ay agad matukoy at maiwasang makapanghawa pa ng iba.
Samantala, umapila rin ang alkalde sa mga residente na sumunod sa Unified curfew na magsisimula na mamayang gabi.
Madz Moratillo