6 provinces, 4 cities, 1 region, ilalagay sa mas mahigpit na community quarantine
Isasailalim sa mas mahigpit na community quarantine ang anim na lalawigan, apat na lungsod at isang buong rehiyon simula sa unang araw ng Abril dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa kani-kanilang mga lugar.
Kabilang dito ang Quirino province at City of Santiago, Isabela na parehong ilalagay sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ang Quirino province ay isasailalim sa MECQ mula April 1 hanggang April 15, 2021 at kung bababa ang kaso ng COVID-19 sa nasabing lalawigan ay maaari itong ilagay sa mas maluwag na GCQ. Ang City of Santiago naman ay mananatili sa MECQ hanggang April 30, 2021.
Isasailalim naman ang buong Cordillera Administrative Region (CAR) sa General Community Quarantine (GCQ) kasama ang mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, at Nueva Vizcaya sa Region 2; Batangas, Tacloban City, Iligan City, Davao City, at Lanao del Sur mula April 1, 2021 hanggang April 30, 2021.
Ang nalalabi pang bahagi ng Pilipinas ay mananatili naman sa mas maluwag na Modified General Community Quarantine (MGCQ) maliban sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan na kasalukuyang nasa ilalim ng ECQ hanggang April 4, 2021.