6,000 dollars na tax exemption para sa shopping purchase ng returning ofw’s at balikbayan isinulong sa Kamara
Itinutulak sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na itaas sa six thousand dollars ang tax exemption ng mga Overseas Filipino Workers o OFW’s at mga balikbayan kapag mamimili o magsa-shopping sa mga duty free shop na pinapangasiwaan ng Department of Tourism o DOT.
Sa House Bill 6472 sinabi ni House Minority Leader Marcelino Libanan panahon na para i-upgade ang benepisyo ng mga OFW at mga balikbayan dahil mahigit tatlumpung taon na ang batas sa Balikbayan Program.
Ayon kay Libanan kapag naisabatas ang kanyang panukalang batas mahihikayat ang maraming OFW’s at balikbayan na mag-shopping sa mga duty-free shops sa Pilipinas sa halip na sa abroad.
Inihayag ni Libanan na makatutulong ito para sa dagdag na dollar reserve sa ekonomiya ng bansa.
Sa kasalukuyan umaabot lang sa 3,500 dollars ang tax exemption purchases ng mga OFW’s at balikbayan sa mga duty free shop ng DOT.
Mayroong tatlong duty free shops ang DOT sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA Terminals 1,2 and 3.
Meanne Corvera