6,000 OFW’s natengga sa mga hotel dahil sa pagtigil ng Philippine Red Cross sa pagproseso ng swab samples ng mga OFW
Libo libong Overseas Filipino Workers na dumating sa bansa ang natengga sa mga hotel kung saan sila pansamantalang naka-quarantine.
Ito ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III ay kasunod ng pagtigil ng Philippine Red Cross sa pagproseso ng swab samples ng mga dumarating na Overseas Filipinos.
Ayon kay Bello may 6,000 mga OFW ang naghihintay ng resulta ng ginawangnswab test sa kanila.
Kumpara kasi noong Red Cross pa ang nagpoproseso ng kanilang swab samples ay mas mabilis ang proseso.
Di gaya ngayon na mano mano na ang pre-swabbing procedures maging pagdadala sa mga government laboratories na itinalaga para sa pagproseso ng swab samples ng mga OFW.
Kaya naman si Bello umaasa na sa lalong madaling panahon ay mababayaran na ng Philhealth ang Red Cross.
Nangangamba ang kalihim na kung hindi agad ito maiaayos ay mas dadami ang mga OFW na maiipon sa mga hotel na itinalagang quarantine facilities para sa mga OFW.
Madz Moratillo