61 Pinoy hotel workers, idineploy sa Israel sa kauna-unahang pagkakataon
Makaraan ang dalawang taon ay matutuloy na rin sa wakas ang naantalang deployment sa Israel ng kauna-unahang batch ng mga Pilipinong manggagawa na nasa sektor ng turismo.
Nakatakdang lumipad pa-Israel ang 61 Pinoy hotel workers sa Miyerkules, Hunyo 1.
Sila ang inisyal na batch ng mga Pilipinong manggagawa mula sa industriya ng turismo na idi-deploy sa kauna-unahang pagkakataon sa Israel.
Ang nasabing bilang ay bahagi ng inisyal na 500 manggagawang Pinoy na nabigyan ng work contract sa Israel.
Sa nakaraan ay pawang mga Pinoy caregivers lang ang pinapayagan ng Israel government na magtrabaho doon.
Pero sa tulong ng labor agreement ng dalawang bansa na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang makasaysayang pagbisita sa Israel noong 2018 ay binuksan ng Israel ang mga pintuan nito sa mga Pinoy hotel workers.
Halong kalungkutan, kasabikan at kagalakan naman ang nararamdaman ng mga Pinoy na kabilang sa first batch na nabigyan ng oportunidad para makapagtrabaho sa Israel.
Inamin ng mga Pinoy workers na halos nawalan na sila ng pag-asa matapos makansela at hindi natuloy ang deployment nila noong 2020 dahil sa pandemya.
Tiniyak ng first batch ng mga hotel workers na gagawin nila ang pinakamaayos sa kanilang trabaho para mapatunayan na world-class ang mga Pinoy na manggagawa.
Nasa 74,000 pesos naman ang tinatayang magiging sahod ng mga nasabing OFWs sa Israel at mayroon ding mandatory health insurance at yearly leave with pay bukod sa iba pang benepisyo.
Pinasalamatan naman ng Department of Migrant Workers ang Israel sa suporta at pagpursige para maipatupad ang labor agreement.
Sa susunod na linggo ay inaasahan ang deployment sa Israel ng panibagong batch ng mga hotel industry workers.
Maaari anilang madagdagan pa ang inisyal na 500 OFWs depende sa magiging demand ng Israel sa mga hotel o hospitality- related jobs doon.
Binalaan din ng Department of Migrant Workers ang publiko laban sa mga scammers dahil government to government ang arrangement ng mga hotel workers at caregivers sa Israel at wala silang binabayarang placement fee.
Moira Encina