65 Pamilya nasunugan sa Las piñas
Aabot sa may tatlumpung bahay at animnaput limang pamilya ang naapektuhan ng sunog dito sa Maligaya compound sa Brgy. Pilar sa Las piñas.
Ayon kay Las piñas Deputy fire Marshall Garynel Julian, nagsimula ang sunog kaninang 8:31 ng umaga sa second floor ng bahay ng isang Cristel Verbo.
Sinasabing ang naiwang appliances ang dahilan ng sunog na umabot sa ikalawang alarma.
Natagalan ang pagbomba ng tubig ng mga bumbero dahil kinailangan pang tibagin at butasan ang bahagi ng sementadong pader ng Maligaya compound para maipasok ang mga tubo ng tubig ng mga truck ng bumbero.
Kaya ang mga residente, mano mano ang ginawang pagbuhos ng tubig para patayin ang apoy.
Wala namang iniulat na nasugatan sa nangyaring sunog pero tinatayang umabot sa 800 libong piso ang halaga ng pinsala.
Ang mga apektadong residente ay pansamantalang tumutuloy sa gymnasium ng Baranggay .
Mahigpit naman ang paalala ng mga otoridad sa publiko lalo na ngayong summer at matindi ang sikat ng araw , wag iwanan ang mga niluluto at tanggalin sa saksakan ang mga hindi ginagamit na appliances .
Meanne Corvera