65 patay sa landslide at baha sa India, paghahanap sa mga nakaligtas nagpapatuloy
Pinaghahanap pa ng mga rescuer ang mga taong pinangangambahang nawawala bunsod ng mga pagbaha at pagguho ng lupa, na ikinasawi ng hindi bababa sa 65 katao sa India, kabilang ang 11 na namatay nang gumuho ang isang sikat na templo doon.
Sinabi ni state chief Sukhvinder Singh Sukhu, “As many personnel as possible are being deployed in relief and rescue work. It will continue on a war-footing to provide relief to the people.”
Ang ilang araw na malakas na mga pag-ulan ay tumangay ng mga sasakyan at sumira ng mga gusali at mga tulay.
Ang mga pagbaha at landslides ay karaniwan at nagdudulot ng malawakang pinsala kapag monsoon season sa India, ngunit sinabi ng mga eksperto na ang tindi at dalas nito ay pinalalala pa ng climate change.
Hindi bababa sa 52 katao na ang namatay sa Himachal Pradesh mula pa noong Linggo, kung saan libu-libo pa ang na-stranded matapos maapektuhan ang mga linya ng kuryente, linya ng komunikasyon at mga kalsada.
Una nang sinabi ni Sukhu na aabot sa 20 iba pa ang pinangangambahang na-trap sa ilalim ng mga guho matapos magkaroon ng landslides, at umapela sa mga residente na manatili sa loob at iwasang magtungo malapit sa mga ilog.
Hindi naman bababa sa 11 katao ang nasawi matapos gumuho ang popular na Shiva temple na nasa Shimla, kabisera ng estado dahil sa landslide.
Ayon naman kay district disaster management committee chair Aditya Negi, “The rescue work is ongoing and we fear that at least 10 more people are still trapped under the rubble.”
Sinabi ni Sukhu na binawasan ng estado ang taunang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan noong Martes, na tanda ng pagtatapos ng British colonial era, upang tutukan ang rescue efforts.
Sa kaniya namang pagsasalita mula sa Red Fort sa New Delhi para sa kaniyang taunang holiday address ay sinabi ni Prime Minister Narendra Modi, “The recent natural disasters had caused ‘unimaginable troubles’ for families across the country, and I express my sympathies towards all of them and I assure them that state and central governments will work together.”
Hindi naman bababa sa 13 katao pa ang nasawi simula noong Biyernes sa katabing estado ng Uttarakhand ayon sa mga opisyal.
Lima katao ang natabunan nang magkaroon ng landslide sa isang resort malapit sa isang sikat na yoga retreat sa Rishikesh na nasa pampang ng Ganges river.
Halos 350 mga kalsada sa paligid ng Uttarakhand ang isinara na sa trapiko.
Inaasahan ng forecasters na tinatayang magpapatuloy pa hanggang sa Biyernes ang malalakas na mga pag-ulan sa buong Indian Himalayas.