7.3 magnitude na lindol sa Davao, walang naging pinsala sa mga pantalan at paliparan sa rehiyon
Walang naiulat na pinsala sa mga pantalan at paliparan sa Davao ang 7.3 magnitude na lindol na yumanig sa Davao Oriental kaninang pasado ala-1:00 ng madaling araw.
Sa abiso ng Department of Transportation (DOTr), matapos ang pagyanig agad ininspeksyon ang mga pasilidad para makita kung may naging pinsala ang malakas na lindol.
Sa ulat ng Philippine Ports Authority (PPA) sa DOTr, wala umanong nakitang pinsala sa mga pantalan roon.
Sa ulat naman ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), wala rin umanong naging pinsala sa Davao airport at lahat ng mga tauhan nito ay ligtas.
Pero sa Mati Airport, may nakita umanong minor cracks sa runway.
Pero wala namang nakitang damage sa Passenger Terminal Building.
Maging mga pasilidad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Land Transportation Office sa Region 11 wala rin umanong naging pinsala.
Ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naramdaman ang Intensity 5 sa Governor Generoso, City of Mati, Baganga, at Lupon, Davao Oriental; City of Tagum, City of Panabo, Carmen, at Nabunturan, Davao del Norte; General Santos City; Alabel, at Malungon, Sarangani;
Intensity 4 sa Davao City; Kiblawan, Davao del Sur; City of Koronadal, Tampakan, Tupi, at Polomolok, South Cotabato; Glan, Malapatan, at Kiamba, Sarangani; Monkayo, Davao de Oro;
Intensity 3 sa Kabacan, Cotabato; Bayugan, Agusan del Sur;
Intensity 2 sa Cagayan de Oro City; Maasim, Sarangani; Arakan at Banisilan, Cotabato; at Intensity 1 sa Mambajao, Camiguin Island.
Madz Moratillo