7 sundalo, patay sa pagbagsak ng PAF helicopter sa Bukidnon
Pito katao ang patay kasunod ng pagbagsak ng Huey UH-1H Helicopter ng Philippine Air Force (PAF) sa Bukidnon.
Sa ipinalabas na statement ng PAF, nangyari ang aksidente sa Sitio Nahigit, Barangay Bulonay, bayan ng Impasugong, alas-2:22 ng hapon ng Sabado, Enero 16.
Hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng mga biktima ngunit ang mga nasawi ay pawang nakatalaga sa PAF Tactical Operations group-10 na nakabase sa Cagayan de Oro City.
Ang nasabing chopper ay isa sa dalawang resupply mission ng 8th Infantry Batallion ng Philippine Army.
Problema sa makina ang inisyal na ulat ng dahilan ng pagbagsak.
Pero depensa ng PAF, lahat naman ng kanilang air assets kabilang ang nasabing helicopter ay isinasailalim sa mahigpit at regular na maintenance inspection bago at pagkatapos ng bawat flight mission.
Nagpaabot na ng pakikiramay ang pamunuan ng Philippine Air Force sa pangunguna ni Commanding General Lieutenant General Allen Paredes sa pamilya ng mga sundalong namatay dahil sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Tiniyak din ng PAF na maipagkakaloob ang tulong pinansyal at benepisyo para sa mga nasawing sundalo.