7 Kumpanya, kinakausap ng Gobyerno para bumili ng Covid-19 vaccine
Nakalatag na ang Vaccination plan ng Gobyerno at hinihintay na lamang ang pagdating ng Covid-19 vaccine.
Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na pitong Pharmaceutical companies na ang kinausap ng Gobyerno para makabili ng bakuna at lahat ng kontrata ay naging matagumpay.
Unang naisara ang kontrata para sa 30-40 million doses sa Novavax habang may negosasyon na rin aniya para sa 40 million doses ng Pfizer.
Mayroon din aniyang 25 hanggang 30 million sa Astrazeneca at 25 milyon naman sa Gamaleya at Sinovac.
Sigurado na aniya ang 148 million doses ng bakuna para sa bansa na inaasahang darating sa bansa sa third quarter ng taon.
Target na maipamahagi ito sa 50-70 milyong mga Filipino.
Dahil dito, nakipag-partner na aniya sila sa mga pribadong kumpanya para mapabilis ang Vaccination plan sa oras na dumating na ito sa bansa.
Kukuha rin ang Gobyerno ng 25,000 mga vaccinators kung saan prayoridad na mabakunahan ang mga Medical Frontliners.
Pangalawa sa mga prayoridad ang mga Indigent Senior Citizens, susunod ang mga Indigent citizens o mga mahihirap na mamamayan.
Sa pagdinig, dumalo sina Health Secretary Francisco Duque III, Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Vaccine Czar Carlito Galvez, at testing Czar Vince Dizon.
Nadismaya ang mga Senador dahil tila nagkanya-kanya na ang mga lokal na pamahalaan sa pagbili ng bakuna dahil sa kabagalan ng Department of Health (DOH).
Pero ayon kay Senador Pia Cayetano, maganda ang ginawang hakbang ng mga alkalde na naglaan ng pondo para makabili ng bakuna.
Pero nangangamba aniya siya kung paano makabibili ng bakuna ang mga mahihirap na Munisipalidad na walang pondo para dito.
Dismayado rin si Senador Joel Villanueva dahil nauna pang mabakunahan ang mga POGO workers sa Pilipinas kumpara sa mga Medical Frontliners.
Meanne Corvera