70.8 milyong Pilipino, nakatanggap na ng 2-dose Covid-19 primary series vaccine; Higit 15 million, nabakunahan na ng unang booster dose
Nasa kabuuang 154,237,449 dose na ng Covid-19 vaccine ang naibakuna sa buong bansa.
Katumbas ito ng 70,853,659 Pilipino ang nakatanggap na ng 2-dose primary series at nasa 15,017,716 ang nabakunahan na ng unang booster dose.
Batay sa ulat ng National Vaccination Operations Center (NVOC), lumalabas na nasa 801 indibidwal na nasa edad 12-17 na may comorbidities ang nabigyan na ng unang booster dose.
Habang ang rollout naman ng unang booster dose o third dose para sa 12-17 age group na non-immunocompromised ay masisimulan na rin kapag naihanda na ng Local Vaccination Operations Centers (LVOCs) ang implementing units at vaccination sites at teams na mangangasiwa sa pagbabakuna.
Sinabi pa ng NVOC na lahat ng rehiyon sa bansa ay nasa higit nang 40% fully vaccinated ng kanilang target population para sa senior citizens maliban sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may mababang vaccination coverage lalu na sa mga nakatatanda.
Ang Cagayan Valley Region at Cordillera Administrative Region (CAR) ang may pinakamataas na coverage ng fully vaccinated senior citizens na higit sa 92%.