73rd Lingayen Gulf landings at 11th veterans day ginunita sa Pangasinan
Binigyang pagkilala ngayong araw ang mga beterano ng world war 2 sa isinagawang selebrasyon ng ika-73 Lingayen Gulf Landings at ika-11 taon ng Veterans Day na isinagawa sa Veteran’s Park, Capitol Ground sa bayan ng Lingayen, Pangasinan.
Ang selebrasyon ay pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan kung saan ay nagsilbing panauhing pandangal si Pangasinan 2nd District Representative Leopoldo Bataoil at ito ay dinaluhan ng mga world war veterans na nagmula sa ibat ibang bayan sa lalawigan.
Ayon kay Governor Amado Espino III, hindi sapat ang salitang salamat sa kabayanihan ng mga lumaban sa giyera sa tinamasa ngayong kalayaan.
Sa kanyang mensahe sa harap ng mga beterano, sinabi ni Congressman Bataoil, bilang chairman ng committee on veterans affairs and welfare sa kongreso ay isinusulong nito na madagdagan ang tinatatanggap na buwanang pension ng mga beterano mula sa P5,000 ay magiging P20,000 kada buwan para sa gamot at iba pang pangangailangan ng mga beterano.
Isinusulong din umano ni Bataoil sa kongreso ang pagbuo sa Veterans Hospitalization and Medical Care Program
kung saan sa pamamagitan ng programang ito ang bawat beterano at kanilang independents ay maaring makatanggap ng P1,500 in patient subsidy per day kapag naconfine sa ospital hanggang sa maximum na 45 days.
Nanawagan din ang kongresista sa mga kabataan na tularan ang ipinakitang ehemplo ng kabayabihan, katapangan at pagbubuwis ng buhay ng mga beteranong lumaban sa giyera para sa inang bayan.
Ayon sa Provincial Social Welfare and Development Office, maliban sa P5,000 mula sa PVAO na natatanggap ng may 275 na mga world war veterans sa lalawigan ay nagkakaloob din ng buwanang financial assistance na P5,000 mula sa provincial government bilang tulong sa pantustos sa gamot, pagkain at iba pang pangangailangan ng mga world war veterans sa lalawigan.
Ang pinakamatandang nabubuhay na beterano ay isang 102 taong gulang na taga Barangay Concordia, Bolinao na si Servillano Andres.
Batay sa kasaysayan, Enero 9 noong 1945 ay naging malaya ang Pangasinan matapos dumating ang allied liberation forces ng America na pinangunahan ni General Douglas MacArthur mula sa pananakop ng Japanese Forces.
Samantala, matapos ang commemoration program ay isinagawa ang medical mission na pinangunahan ng Provincial Health Office sa mga world war veterans at sa pamilya ng mga ito.
Ulat ni Nora Dominguez