78th Leyte Gulf Landings Anniversary, dinaluhan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Dumalo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa ika-78 taong anibersaryo ng Leyte Gulf Landings na idinaos sa MacArthur Landing Memorial National Park sa bayan ng Palo, Leyte .
May temang “Peace Eternal: Lesson Learned from the Vestiges of World War II”, ang paggunita sa Leyte Gulf Landings ngayong taon.
Sinaksihan ni Pangulong Marcos ang sabay-sabay na pagtataas ng watawat ng Australia, Japan, United Kingdom at United States of America gayundin ang pangunguna sa seremonya ng paglalagay ng wreath sa MacArthur Shrine.
Ayon sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), ginagawa ang pagdiriwang bilang pagbibigay ng parangal sa mga nakaligtas na war veterans kung saan 33 sa mga ito ay mula Eastern Visayas, 17 sa kanila ay naninirahan sa Leyte Province.
Ang Leyte Gulf Landings commemorative program ày pag-aalaala sa pagdating ng Allied Forces sa pangunguna ni United States General Douglas MacArthur para palayain ang Pilipinas mula sa Japanese Imperial Forces na sumakop sa bansa mula 1942-1945.
Kristina Cassandra Metran