8 puganteng Hapon na wanted sa scams, ipina-deport ng BI
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na ipinatapon na pabalik ng Japan ng Bureau of Immigration (BI) ang walong Hapon na wanted sa iba’t ibang scam doon.
Ayon kay DOJ Spokesperson Mico Clavano, sangkot ang mga pugante sa telephone scams at credit card fraud sa Japan.
Kagaya rin ito ng pagpapa-deport sa Luffy gang na may kinasangkutang krimen noong isang taon.
Pero nilinaw ng opisyal na hindi miyembro ang walo sa Luffy group.
Kadalasan aniyang binibiktima ng mga ito ay mga senior citizen o ang mga hindi gaano marunong sa paggamit ng cellphones.
“Sinasabi nila na kailangan magdeposit sa ganitong account or kailangang magbigay ng personal information sa kanila. And that’s where the scam starts. Na gagamitin nila ‘yung personal information para makakuha sila ng access doon sa mga account ng mga vulnerable victim” ani DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano.
Aniya, may warrant of arrest na sa Japan at deportation order ang BI laban sa mga pugante noon pang 2021.
Pero, hindi sila maipadeport dahil sa mga kasong inihain laban sa mga Hapon sa mga korte sa Pilipinas na nabatid ay peke o gawa-gawa lang tulad ng modus ng Luffy members.
Ibinasura na aniya ng mga hukuman ang mga kaso laban sa walo kaya naipadeport na ito ng BI.
“ So ngayon kapag may nakikita ang mga korte na may ganong klase ng demanda may scheme, madalas nadidismiss na so that is why it is only now na ideport itong walo” dagdag pa ni Asec. Clavano.
Moira Encina