9 naaresto sa ipinatutupad na gun ban kaugnay ng Barangay at SK elections
Nasa siyam na ang mga nahuling lumabag sa gun ban at sa pagbabawal sa pagbitbit ng patalim kaugnay ng ipinatutupad sa election period mula October 1 hanggang 30 dahil sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ito ay batay sa pinakahuling ulat na natanggap ng COMELEC Gun Ban Committee mula sa PNP.
sa isang pahinang memorandum, dalawa ang nadakip mula sa Ilocos Sur; isa mula sa Rodriguez, Rizal; dalawa mula sa Iloilo City at Malay; isa mula sa Mambusao, Capiz at tatlo mula sa Alcoy,Cebu.
Anim na baril ang nakumpiska, at dalawang patalim ang nasamsam.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ang mga lalabag sa gun ban ay papatawan ng parusang hanggang anim na taong pagkabilanggo.
Pinaalala ni COMELEC Spokesperson James Jimenez na dapat mag-apply ng exemption sa gun ban sa poll body ang mga taong kinakailangang magbitbit ng baril at ang mga may security personnel.
Ulat ni Moira Encina