9 nahuling lumabag sa lockdown sa Maynila
Kasunod ng ipinatutupad na lockdown sa ilang barangay sa Maynila, 9 katao ang nahuli na lumabag sa lockdown protocol.
Ang 9 na ito ay mula lamang sa Barangay 351 na naaktuhan ng mga nagbabantay na pulis na lumabas ng kanilang bahay.
Una rito, mahigpit ang bilin sa mga residente na huwag lalabas ng bahay sa panahon ng lockdown.
Ang mga nahuli ay dinala na sa Tondo High School Quarantine Facility kung saan sila mananatili pansamantala.
Ang edad ng mga nahuling violator nasa pagitan ng 32 hanggang 78 anyos.
Matatandaang una ng binalaan ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga lalabag sa lockdown na ilalagay sa quarantine facility sa loob ng 14 na araw.
Layon ng lockdown na makapagsagawa ng mass testing sa mga nasabing Barangay kung saan may mataas na active cases ng COVID- 19.
Madz Moratillo