90 biyahe ng bus sa PITX kanselado dahil sa bagyong Kristine
Umabot na sa 90 biyahe ng mga bus at RORO sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang kanselado ngayong Huwebes, Oktubre 24 bunsod ng masamang panahon dala ng Bagyong Kristine.
Ito ay batay sa pinakahuling monitoring ng pamunuan ng PITX kaninang ika-12 ng tanghali.
Kabilang sa mga kanselado ay ang mga biyahe papuntang Bicol, Masbate, Iloilo, Cagayan de Oro, Davao, Mindoro, Quezon at Batangas.
Ayon sa PITX, nagsuspinde ng biyahe ang bus companies sa mga nasabing lugar dahil sa mga pagbaha, pagguho ng lupa, at kanseladong biyahe sa dagat.
Samantala, nakapagtala rin ang PITX ng 30 istranded na pasahero mula kahapon, Oktubre 23.
Karamihan sa mga naistranded ay walk-ins na papunta sanang Masbate at Mindoro at hindi na umuwi dahil mabigat ang mga dalang bagahe.
Pinagkalooban naman ng hapunan noong Miyerkules ang mga istranded na pasahero.
Moira Encina – Cruz