90-day SIM registration extension, aprubado ni PBBM
Aprubado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 90-day extension para sa SIM registration.
Una rito, inanunsyo ni Justice Secretary Crispin Remulla ang ukol sa pagpapalawig ng SIM card registration na may deadline bukas, April 26.
Sa Facebook post ng Radio Television Malacañang (RTVM), iniulat na ibinaba ng Pangulo ang approval sa isinagawang sectoral meeting para sa update ukol sa SIM card registration sa Malacañang.
Inatasan ng Pangulo ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na magsagawa ng pormal na anunsyo ukol sa usapin.
Sinumang mabibigo na makapagrehistro ng SIM card sa loob ng 90-araw ay magreresulta sa limitadong SIM services mula sa telecommunication companies.
Sa isinagawang sectoral meeting, iniulat ng DICT ang resulta ng pulong na isinagawa sa mga stakeholders kabilang ang public telecommunication entities at makabuluhang ahensya sa usapin kung saan nabuo ang rekomendasyon na magkaroon ng extension sa April 26 deadline.
Hanggang noong April 23, mahigit 82 milyong SIM cards pa lamang ang nairehistro o 49.31% ng kabuuang active SIMs na nai-issue hanggang December 2022.
Sa kasalukuyan, nasa 165,016,400 ang kabuuang bilang ng active SIMs sa buong Pilipinas.
Sa 82 milyong registered SIMS, mahigit 37 milyon ang Globe subscribers, mahigit 39 million ang Smart subscribers at mahigit 5 milyon ang Dito subscribers.
Sa 90-day extension period, target ng DICT na mairehistro ang 70% ng active SIMs at iniulat sa Pangulo na mas maraming Filipino ang makakapag-enjoy sa social, digital at financial inclusion sa sandaling makapag-rehistro ng SIM.
Sa naunang anunsyo ni Remulla sinabi nito na magkakaroon ng restricted access sa social media apps ang mga SIM na hindi nakapagrehistro kaagad.
“There’s a 90-day extension. But most of the services that come with the cellphones that are not registered will be cut off with the telcos. So there will be a social media unavailability for those who do not register in the next 90 days,” sabi ni Remulla.
Para naman mapa-igting ang SIM registration, nagsasagawa ng SIM registration sa remote areas ang National Telecommunications Commission (NTC) at iba pang ahensya ng gobyerno.
Layon ng Republic Act no. 11934 o SIM Registration Act na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong October 10, 2022 na masawata ang nakaka-alarmang paglaganap ng spam messages at scam sa pamamagitan ng text messages sa bansa.
Weng dela Fuente