90 piraso ng giant clam shell nakumpiska ng PCG sa Palawan
Aabot sa 90 piraso ng giant clam shell ang nakumpiska ng Philippine Coast Guard sa El Nido, Palawan.
Ayon sa PCG, isang concerned citizen ang nagreport sa kanila hinggil sa mga giant clam shell na ito.
Agad naman umanong umaksyon ang Coast Guard Station sa El Nido at nagsagawa ng inspeksyon sa Sitio Buluang sa Barangay Sibaltan.
Dito nila natagpuan ang giant clam shells na naka-camouflage sa mga dahon at sanga ng puno.
Nakipag-ugnayan na rin ang PCG sa Department of Environment and Natural Resources at Palawan Council for Sustainable Development para sa karagdagang imbestigasyon.
Batay sa Republic Act 10654 o ang Philippine Fisheries Code of 1998, ang sinumang mapapatunayan na iligal na kumukuha ng giant clam o taklobo na isang ‘endangered species’ ay maaaring mapagmulta ng hanggang tatlong milyong piso at mabilanggo ng hanggang walong taon.
Madz Moratillo