95% ng mga tourism worker sa NCR bakunado na kontra COVID-19
Umabot na sa 95% ng mga tourism worker sa National Capital Region ang bakunado na kontra Covid-19.
Ayon kay Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat, hanggang nitong Agosto 20, sa 29,066 tourism frontliners, 27,708 na ang nabakunahan laban sa virus.
Ang mga ito ay nagtatrabaho aniya sa mga quarantine o isolation facilities, multiple use hotels, at staycation hotels na accredited ng Department of Tourism.
Sinabi ni Puyat na ang pagbabakuna sa mga tourism frontliner ay isang malaking hakbang tungo sa pagbangon ng industriya ng turismo sa bansa.
Tiniyak ng DOT ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa National Task Force against COVID-19, mga lokal na pamahalaan, iba pang ahensya ng gobyerno at mga grupo para masigurong mabilis na mababakunahan ang mga tourism worker sa bansa lalo na sa lugar na karaniwang dinadagsa ng mga turista.
Sinabi ni Puyat na sa 4,565 manggagawa sa DOT-Accredited restaurants sa 13 lungsod sa NCR, 61 percent na ang nabakunahan.
Aminado ang kalihim na sa kabuuan, isang malaking hamon sa DOT na mabakunahan ang 100 porsyento ng tourism frontliners sa buong bansa kabilang ang mga ayaw pang magpabakuna at mga namimili ng brand na bakuna.
Ilan sa dahilan ay ang work-from-home setup sa ilang tourism workers, ang iba ay buntis, habang ang iba ay may comorbidities.
Madz Moratillo