98 hanggang 100 milyong doses ng anti COVID-19 vaccine na reserba ng Pilipinas ,mamanahin na ng susunod na administrasyon
Hindi na mamomroblema ang susunod na administrasyon sa supply ng anti COVID- 19 vaccine.
Ito ang kinumpirma ni Vaccine Czar at National Task Force o NTF Chief Implementer Secretary Carlito Galvez dahil nasa storage facilities na ang 98 hanggang 100 milyong doses ng anti COVID-19 vaccine.
Sinabi ni Galvez na ang nabanggit na mga bakuna ay binili ng pamahalaan at donasyon ng COVAX Facility ng World Health Organization o WHO.
Ayon kay Galvez ang 3.6 milyong doses ng anti COVID-19 vaccine na nag-expired ay papalitan ng COVAX Facility.
Inihayag ni Galvez noong nakaraang taon ay umabot sa 74 milyong doses ng bakuna ang nai-donate ng COVAX Facility at nangako pa na patuloy na magbibigay ng libreng anti COVID-19 vaccine sa bansa.
Niliwanag ni Galvez kailangang palakasin pa ng gobyerno ang vaccination campaign dahil malaki ang posibilidad na muling tataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa dahil sa pagkakaroon ng mutation at bagong variant ng corona virus.
Batay sa record ng National Vaccination Operation Center mahigit 67 milyon pa lamang ang nabakunahan ng dalawang dose ng anti COVID-19 vaccine mula sa 90 milyong target population at nasa mahigit 12 milyon pa lamang ang naturukan ng booster shot.
Vic Somintac