Mga LGU na may wastage ng bakuna, hindi na bibigyan ng “very sensitive” na COVID- 19 vaccine

Hindi na bibigyan ng mga sensitibong brand ng COVID 19 vaccine ang mga lokal na pamahalaan na magkakaroon ng wastage ng bakuna.

Ito ang inihayag ni Vaccine Czar Sec Carlito Galvez Jr. kasunod ng insidente sa Muntinlupa kung saan ilang doses ng Covid 19 vaccine ang hindi na ginamit sa pangambang naapektuhan ang bakuna matapos magkaroon ng pagbabago sa temperatura sa isang storage facility nito.

Ayon pa kay Galvez, ang mga LGU na hindi kayang mag-handle ng mga tinatawag na “very sensitive” vaccine ay hindi bibigyan nito.

Tiniyak ni Galvez na may mananagot kapag may nasirang bakuna dahil sa kapabayaan.

Binigyan diin ni Galvez na dahil sa taas ng demand sa suplay ng COVID- 19 vaccine sa buong mundo, ang bakuna ay ginto.

Kaya dapat, ang bawat LGU na mabibigyan nito ay mapreserba ng tama ang mga bakuna.

Ang Pfizer, na isa sa preferred brand ng COVID- 19 vaccine sa bansa ay nangangailangan ng temperatura na -80 hanggang -60 degree Celsius habang ang Moderna at Sputnik naman ay -20 degree celsius.

Samantala, sinabi ni Galvez na sa pagdating sa bansa ng 1.6 milyong doses ng COVID-19 vaccine ng Johnson and Johnson, ay mas magiging prayoridad nilang mabigyan nito ang mga nasa vulnerable sector partikular ang A2 o Senior Citizens lalo na ngayong may local case na ng Delta variant sa bansa.

Ang J&J vaccine ay single dose lang kaya mas magandang gamitin aniya ito sa vulnerable sector, lalo na ang A2.

Madz Moratillo

Please follow and like us: