Senador Pacquiao at iba ang lider ng PDP-Laban, pinatalsik sa partido

Napatalsik na sa Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) si Senador Manny Pacquiao bilang Pangulo ng partido sa ginanap na National Assembly sa Clark, Pampanga.

Habang idineklara namang bakante ang 16 na posisyon sa partido.

Itinalagang kapalit ni Pacquiao si Energy Secretary Alfonso Cusi kung saan mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na siyang chairman ng partido ang nagpanumpa dito.

Sinabi ni PDP-Laban Secretary-General Melvin Matibag, aabot sa 250 delegado o miyembro ng partido ang dumalo sa pagtitipon.

Maliban kay Cusi, naitalaga sina Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles bilang Executive Vice-President, si Parañaque city Mayor Edwin Olivarez naman bilang VP for NCR, Atty. Raul Lambino-VP for Luzon, Eastern Samar Governor Ben Evardone – VP for Visayas, Charito Plaza bilang VP for Mindanao, National Treasurer-Rianne Cuevas at Senador Bong Go bilang Auditor-General.

Habang Committee Chairpersons naman sina Astravel Naik for Membership, Noel Felong-Education, Antonio Kho-Finance, Richard Nethercot-Legal, DILG Usec Jonathan Malaya sa Public Information, Reymar Mansilungan-Livelihood at Maria Katrina Nicole Contacto -Youth Affairs.

Samantala, nagpahayag naman ng kalungkutan si Senador Pacquiao sa nangyari dahil sa kanila aniya ng matinding problema ng bansa ay inuuna pa ng kaniyang kapartido ang pamumulitika.

Nagpahayag din ng kalungkutan si Senador Aquilino Pimentel na aniya’y tila nagkawatak-watak ang partido na binuo ng kaniyang amang si dating Senador Nene Pimentel.

Aminado si Pimentel na dugo at pawis ang kaniyang ipinuhunan sa partido ngunit wala aniya siyang magagawa kung iba ang interes ng mga nakaupong lider ng partido.

Naniniwala ang Senador na may ibang agenda si Cusi at may itinutulak sila na ibang kanididato maliban sa mga lider ng PDP-Laban na nag-aambisyon sa eleksyon.

Meanne Corvera

Please follow and like us: