Ikalawang batch ng single-dose J&J Covid-19 vaccine, dumating na rin sa bansa
Nakumpleto na ang 3.2 milyong doses ng Johnson and Johnson (J&J) Covid-19 vaccine na donasyon ng Amerika matapos dumating sa bansa Sabado ng hapon ang karagdagang 1.6 milyong doses.
Nauna nang dumating noong Biyernes ng hapon ang unang batch ng mga nasabing brand ng bakuna mula sa Janssen firm.
Lumapag ang mga bakuna sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 at sinalubong nina Economic Planning Secretary Karl Chua, Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., US Embassy Charges d’Affaires John Law, United Nations Children’s Emergency Fund nutrition manager Alice Nkoroi, at mga kinatawan mula sa National Task Force Against Covid-19 at Department of Health.
Prayoridad na ipamahagi ang mga bakunang ito sa mga mall at workplaces na may mataas na kaso ng Covid-19.
Ang mga bakuna ay kabilang sa ipinangako ni US President Joe Biden na 80 million vaccine na libreng ipamimigay sa buong mundo.
Isang dose lamang ang inirerekomendang pagturok nito ng WHO Strategic Advisory Group of Experts on Immunization at may minimum interval na 14 araw sa pagitan ng J&J vaccine at bakuna para naman sa ibang health conditions.