Home quarantine ng COVID-19 patients bawal na sa Maynila
Sa Maynila bawal na ang home quarantine ng mga pasyente na positibo sa COVID-19.
Sa isang memorandum na inilabas ng Manila Barangay Bureau, nakasaad na lahat ng COVID-19 patients na naka-home quarantine, asymptomatic o mild man ito ay kailangan ilipat agad sa mga quarantine facilities sa lungsod.
Ang hakbang na ito ng Manila LGU ay matapos may matukoy ng local cases ng Delta variant ng COVID-19 kung saan ang dalawa rito ay taga Maynila.
Ang isa rito ay nasawi, habang ang isa ay nakarekober na.
Batay sa nasabing Memorandum, ang mga COVID-19 patient ay maaaring makipag-ugnayan sa Manila Health Department at Manila Emergency Operations Center para agad silang mailipat sa Quarantine facility.
Sakaling tumanggi na mailipat ang pasyente, maaari umanong humingi ng tulong ang Barangay sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya.
Maaari rin umanong makasuhan ang mga pasyente na tatangging mailipat sa Quarantine facility.
Pinaalalahanan naman ang mga opisyal ng Barangay na mahigpit na imonitor kung may magpopositibo sa kanilang lugar.
Hinihikayat naman ang lahat ng opisyal ng Barangay na mabakunahan na kontra COVID -19 sa lalong madaling panahon.
Sa datos ng Manila LGU, hanggang nitong July 19, may 895 aktibong kaso ng COVID 19 sa lungsod.
Umabot naman na sa mahigit 1 milyong doses ng bakuna kontra Covid-19 ang naiturok sa Maynila.
Madz Moratillo